Tinalakay nina Atty. Eugene Virgo, Legazpi City branch manager ng Government Service Insurance System (GSIS), at Nelson Ibarra, Legazpi City branch manager ng Pag-IBIG Fund, ang mga kinakailangang gawin upang makapag-avail ng emergency o calamity loans sa Kapihan sa Bagong Pilipinas, ngayong araw, Lunes, Nobyembre 24.
Ayon kay Atty. Virgo, agad nag-grant ang GSIS ng emergency loan matapos ang deklarasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng national state of calamity.
Sa GSIS, maaaring mag-avail ng halagang P20,000 emergency loan at kung mayroong existing emergency loan sa mga nakalipas ng taon na hindi pa nababayaran, maaari silang mag-qualify sa P40,000 na emergency loan at ibabawas nalang ang P20,000 na balance.
Anya, magaan lamang para sa mga nais mag-loan dahil anim na porsyento at payable sa loob ng isa hanggang tatlong taon ang pagbabayad. Dahil sa magkakasunod na pananalasa ng bagyo, binigyan ng GSIS ng grace period ang mga nais mag loan mula Nobyembre 7 hanggang Pebrero 7 sa susunod na taon.
Ibig sabihin, hindi sila sisingilin ng monthly amortization sa loob ng tatlong buwan upang masiguro na magagamit ang emergency loan sa kanilang mga pangangailangan tulad ng pagpapaayos ng kanilang bahay.
Ayon naman kay Ibarra, mayroon ding calamity loan ang Pag-IBIG Fund para sa mga miyembro nito, lalo na sa mga nasalanta ng bagyo. Maaaring mag-avail ang mga aktibong miyembro mula Nobyembre 17 hanggang February 9 sa susunod na taon.
Mababa rin ang interest rate na aabot sa 5.95 porsyento per annum at maaari itong bayaran sa loob ng 12 months, 24 months o 36 months, depende sa nais ng mag-a-avail.
Source: PIA Bicol REgion
