Iriga: Berepikasyon ng mga Bagong Benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa Masbate, sinumulan na

    0
    5

    Bahagi ng mas pinalawak na misyon ng ahensiya na wakasan ang kakulangan sa pagkain, opisyal nang sinimulan ng Department of Social Welfare and Development Field Office V – Bicol ang Verification and Registration ng mga bagong benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa Masbate, 18 Nobyembre 2025.

    Katuwang ang Regional Program Management Office, mahigit 700 indibidwal mula San Pascual, Masbate ang sasailalim sa beripikasyon upang personal na makapanayam at masuri kung sila’y karapat-dapat mapabilang sa programa.

    Tinitiyak sa aktibidad na ito na ang mga benepisyaryong mapapabilang sa programa ay mga sambahayang pinakanangangailangan ng tulong sa pagkain at kabilang sa kinikilalang ‘Food Poor’ na mga pamilya.

    Ngayong linggo, nakatakda ring sumailalim sa kaparehong beripikasyon ang mga munisipalidad ng Cataingan at Pio V. Corpuz sa mainland ng probinsiya ng Masbate.

    Sa pamumuno ni Regional Director Norman S. Laurio, inaasahan na mahigit 9,000 sambahayan ang mapapabilang na mga bagong benepisyaryo ng Walang Gutom Program na magmumula naman sa mga munisipalidad ng San Pascual, Cataingan, Pio V. Corpuz, Uson, Balud, Monreal, Claveria, Dimasalang, San Jacinto, Aroroy, Baleno, Placer, Masbate City, Milagros, at Mandaon.

    Source: DSWD Bicol- Region V

    Leave a Reply