(Legazpi City, May 26, 2025) Hangad ng Albay Provincial Health Office (APHO) na muling makamit ng lalawigan ang Green Banner Seal of Compliance Award sa Regional Nutrition Awarding Ceremony ngayong taon.
Ito ang ikalawang taon na susubukan ng lalawigan na makamit muli ang prestihiyosong parangal.
Ang Green Banner Seal of Compliance Award ay iginagawad ng National Nutrition Council (NNC) sa mga local government units (LGUs) bilang pagkilala sa kanilang mahusay at matagumpay na pagpapatupad ng mga programang pang-nutrisyon.
Sinusuri ang bawat LGUs sa pamamagitan ng komprehensibong Monitoring and Evaluation of Local Level Plan Implementation (MELLPI) Pro Nutrition.
𝐏𝐚𝐫𝐭𝐢𝐤𝐮𝐥𝐚𝐫 𝐧𝐚 𝐭𝐢𝐧𝐢𝐭𝐢𝐧𝐠𝐧𝐚𝐧 𝐧𝐠 𝐋𝐨𝐜𝐚𝐥 𝐍𝐮𝐭𝐫𝐢𝐭𝐢𝐨𝐧 𝐖𝐨𝐫𝐤𝐞𝐫 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐬𝐮𝐬𝐭𝐚𝐢𝐧𝐚𝐛𝐥𝐞 𝐩𝐫𝐨𝐠𝐫𝐚𝐦 𝐚𝐭 𝐩𝐨𝐥𝐢𝐜𝐢𝐞𝐬 𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐋𝐆𝐔𝐬 𝐭𝐮𝐧𝐠𝐤𝐨𝐥 𝐬𝐚 𝐥𝐨𝐤𝐚𝐥 𝐧𝐚 𝐧𝐮𝐭𝐫𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐚𝐭 𝐢𝐛𝐚 𝐩𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐚𝐤𝐭𝐢𝐛𝐢𝐝𝐚𝐝 𝐧𝐚 𝐦𝐚𝐲 𝐤𝐚𝐮𝐠𝐧𝐚𝐲𝐚𝐧 𝐝𝐢𝐭𝐨, 𝐥𝐚𝐥𝐨 𝐧𝐚 𝐬𝐚 𝐩𝐚𝐠𝐛𝐚𝐛𝐚𝐰𝐚𝐬 𝐧𝐠 𝐦𝐚𝐥𝐧𝐮𝐭𝐫𝐢𝐬𝐲𝐨𝐧 𝐬𝐚 𝐦𝐠𝐚 𝐛𝐚𝐭𝐚.
Sa isang eksklusibong panayam kay Roan Mae Ofalsa, Provincial Nutrition Program Coordinator, Nutritionist-Dietitian III, ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagkamit ng parangal ngayong taon sa pagsungkit ng nutrition honor award.
“Umaasa po kami na ngayong taon ay maging 2nd year green banner awardee po ang Albay. Kapag na-maintain po natin ang consecutive years, maari po tayong lumaban sa mga higher awards such as crown and the nutrition honor award na paglalabanan ng lahat ng LGUs sa buong Pilipinas,” ani Ofalsa.
Ang naturang pagsusuri ay nakabatay sa mga dokumento, kung saan sinisiyasat ng iba’t ibang ahensya ang mga programa at polisiya patungkol sa nutrisyon.
Kabilang sa evaluation team ang APAO, PSWDO, PPDO, PBO, APSEMO, DILG-Albay, DEPED-Albay, Accounting Office, at PHO.
Source: Albay PIO
