Sa patuloy na hangarin na maihatid ang hustisya sa mga biktima ng kriminalidad at pang-aabuso, mas lalo pang pinaigting ng Police Regional Office 5, sa pamumuno ni PBGEN NESTOR C BABAGAY JR., Regional Director, ang kampanya laban sa mga indibidwal na may nakabinbing warrant of arrest.
Bilang bahagi ng pinaigting na operasyon, umabot sa limampu’t dalawang (52) wanted persons ang naaresto sa loob lamang ng isang linggo, mula Nobyembre 10 hanggang 16, 2025. Kabilang dito ang isang Regional Most Wanted Person, walong Provincial Most Wanted, isang City Level Most Wanted, anim na Municipal Level Most Wanted, at tatlumpu’t anim na iba pang mga wanted persons na matagal nang tumatakas mula sa batas.
Isa sa mga pinakamalaking tagumpay sa linggong operasyon ang pagkakadakip sa Rank 6 Regional Most Wanted Person sa lalawigan ng Masbate noong Nobyembre 10, 2025. Kinilala ang suspek sa alyas na “Al,” 43 taong gulang, na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong rape.
Ang serye ng pag-aresto ay nagpapakita ng walang humpay na determinasyon ng PNP Bicol upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa buong rehiyon. Sa ilalim ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO), mas nagiging sistematiko at agresibo ang mga hakbang ng kapulisan sa pagtugis sa mga kriminal. Pinagtibay pa ito ng mas malakas na ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa mismong komunidad, na nagsisilbing mahalagang katuwang sa pagbibigay ng impormasyon at suporta sa mga operasyon.
Patuloy na nananawagan ang PNP Bicol sa publiko na makiisa sa kanilang mga adhikain at makipagtulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga impormasyon na makatutulong sa pagkakahuli ng iba pang mga wanted persons. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos, naniniwala ang kapulisan na mas mapagtitibay ang kapayapaan, seguridad, at kaayusan sa buong rehiyong Bikol.
Source: PNP Kasurog Bicol
