Iriga: 450 mahihirap na pamilya sa Pilar, Sorsogon, nakatanggap ng UPLIFT Cash Aid mula sa DSWD

0
7

Isang malaking bawas-pasanin ang naramdaman ng 450 mahihirap na pamilya mula sa siyam na barangay sa bayan ng Pilar, Sorsogon matapos ilunsad ng DSWD Field Office V ang pambansang programang UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport) na ginanap kahapon, Hulyo 20, 2026.

Sa unang payout na ginanap sa MDRRM Office, LGU Complex, Brgy. Calongay, sa bayan ng Pilar, tinanggap ng mga benepisyaryo ang unang Php 2,000 buwanang ayuda na magtatagal hanggang Disyembre 2026.

Layunin nitong tulungan ang mga pamilyang hindi sakop ng regular na ayuda ng gobyerno ngunit lubhang apektado ng mataas na bilihin dahil sa pandaigdigang krisis sa enerhiya.

Ayon kay Salvador Buban ng Brgy. Bayasong, “Pangdagdag po ito sa puhunan ng hanapbuhay ko, at pambili ng mga pangangailangan namin. Malaking bagay po ito, lalo na ang taas ng mga bilihin ngayon,” sabay sa pagpapaabot din nya ng malaking pasasalamat sa pamahalaan.

Samantala, para sa mas ligtas at mabilis na distribusyon, nakipagtulungan ang DSWD Bicol sa Pilar LGU at PSA upang irehistro ang mga residente sa digital e-wallets.

Nilinaw ng DSWD na simula susunod na buwan, ipadadala diretso na sa mga e-wallets ng benepisyaryo ang ayuda.

Ang programang ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at magkatuwang na pinangangasiwaan ni DSWD Secretary Rex Gatchailan at ni Bicol Regional Director Norman Laurio upang tiyaking mabilis at may malasakit na nakararating ang tulong sa mga nangangailangan.

Source: DSWD Field Office 5 – Bicol Region

Leave a Reply