Nais ni Sen. Leila De Lima na imbestigahan ang paglalagay sa floating status ng ilang mga kumpanya sa kanilang mga empleyado.
Sa ilalim ng senate resolution number 462 sinabi ng senadora na dapat imbestigahan ang umiiral na labor laws and policies sa bansa partikular na sa pagharap sa global health crisis.
Anya, napaulat kasi na inilalagay ng ilang mga kumpanya partikular na sa business process outsourcing (BPO) sector ang mga empleyado sa floating status kung saan ’tila sinasamantala ng mga kumpanya ang aniya’y legal loopholes sa labor laws para lamang makaiwas sa responsibilidad sa kanilang mga empleyado.
Dapat aniyang irepaso ng pamahalaan ang paglalagay sa floating status lalo pa’t walang malinaw na nakasaad sa batas hinggil dito.
Sa ngayon, ani De Lima, legal ang paglalagay sa floating status ngunit para itong pang aabuso lalo pa’t mistulang tinanggalan ng hanapbuhay ang mga manggagawa sa gitna ng COVID-19 crisis sa Pilipinas.