DILG tiwalang may nagaganap na sabwatan sa anomalya sa SAP

0
26

Tiwala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na may nagaganap na sa sabwatan sa pagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng mga lokal na opisyal sa mga lumulutang na anomalya kaugnay ng social amelioration program (SAP).

Ayon kay DILG undersecretary Martin Diño, may natatanggap din silang sumbong hinggil sa umano’y sabwatan ng mga DSWD personnel at ng ilang lokal na opisyal, gaya na lamang ng barangay chairman at ilang mga tauhan ng alkalde sa city hall.

Kaugnay ito ng mga anomalya sa pamamahagi ng tulong pinansiyal kung saan nagkakaroon umano ng palakasan, kung saan tanging mga kaalyado at kamag-anak lamang ng kapitan ng barangay ang nakatatanggap ng ayuda.

Sinabi pa ni Diño, nakatanggap din sila ng reklamo kung saan kinakaltasan ng P2,000 ang ayudang natatanggap ng mga residente para sa tinatawag na “processing fee”.

Dahil dito, nagbabala si Diño laban sa mga lokal na opisyal ng gobyerno na desido ang DILG na tugisin ang lahat ng nasa likod ng anomalya at iregularidad sa pamamahagi ng ayuda.