Desisyon ng korte sa kaso ng ‘Makabayan 4′ ipinanawagang ipatupad agad

0
93

Ikinalugod ng Bayan Muna Party-list ang naging desisyon ng Cabanatuan City Regional Trial Court na ibasura ang kasong double murder laban sa apat na dating mambabatas mula sa Makabayan Bloc.

Ayon kay dating Bayan Muna Representative Atty. Neri Colmenares, pinatunayan sa naging pasya ni Cabanatuan City RTC Branch 28 Judge Trese Wenceslao na walang mabigat na basehan ang kaso laban kina NAP-C Lead Convenor Liza Maza, Satur Ocampo, Teddy Casiño at dating DAR Secretary Rafael Mariano.

Iginiit ni Colmenares, halatang gawa-gawa lamang ang kaso noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo lalo’t napansin ng hukom na ang isa sa mga sinabing pinatay ay nasawi dahil sa aksidente sa kalsada.

Gayunman, sinabi ni Colmenares na hindi ganap ang kasiyahan ng apat na dating mambabatas dahil tuloy pa rin ang paglilitis sa iba pa nilang mga kasamang akusado sa nasabing kaso.

“Maraming may kaso dun hindi lang silang apat, so sana pati ‘yung iba i-dismiss na rin lang dahil hindi pala totoo ang mga sinasabi ng mga witnesses, sa akin ang malaking bagay dito ay ang suporta ng publiko sa kanila.” Ani Colmenares

Kasabay nito nanawagan naman si Colmenares sa pulisya na agad ipatupad ang desisyon ng korte at itigil na ang pagtugis sa apat na dating mambabatas.

(Ratsada Balita Interview)