Davao PNP dumipensa kaugnay sa ‘rape cases’ sa lungsod

0
41

Dumipensa ang Davao Region Police Office sa ipinalabas na datos ng PNP-Directorate for Investigation and Detective Management.

Ito ay matapos na manguna ang Davao City sa may pinakamataas na bilang ng naitalang kaso ng rape sa ikalawang quarter ng taon.

Ayon kay Police Regional Office 11 Spokesperson Chief Inspector Milgrace Driz, hindi trend o palaging nangyayari ang mga kaso ng rape sa Davao City.

Paliwanag ni Driz, karamihan aniya sa naitalang kaso ay nangyari sa loob ng mga tahanan kung saan magkamag-anak ang biktima at suspek.

Dagdag pa ni Driz, ilan din sa naitalang kaso ay matagal na nangyari at ngayon lamang ini-report ng mga biktima.

“Merong mga lumalabas na report na mataas nga ang rating ng Davao City in terms of rape cases pero ito po ay bunga ng mga information drive natin lalo na sa rights of child and women, and ang trust rating ng ating Kapulisan na ang mga biktima ay nakakapagsumbong ngayon lalo na sa Davao City dahil alam nila na nakakapagbigay tayo ng solusyon sa kanilang problema.” Ani Driz

Binigyang diin naman ni Driz na hindi iligal na droga ang dahilan sa pagtaas ng kaso ng rape sa lungsod.

“Ang pangunahing dahilan ay ‘yung under the influence of liquor, actually hindi naman lahat dahil matagal na itong nangyayari hindi lang nare-report.” Dagdag ni Driz

Kasabay nito, tiniyak ni Driz na kumikilos na ang mga pulis sa Davao hinggil sa nasabing ulat.

“It’s a social problem and we need to collaborate our efforts especially sa issues na kailangan nating i-resolve sa mga Kapulisan, sa social workers. Meron tayong interventions kaya nagkakaroon ngayon ng information drive lalo na para sa mga kabataan at kababaihan, ngayon napapalakas natin kaya andaming nagre-report, inaaksyunan natin agad at may mga apprehensions po tayo.” Pahayag ni Driz

(Balitang Todong Lakas Interview)