Dating DOT Sec. Ramon ‘Mon’ Jimenez pumanaw na

0
16

Pumanaw na si dating Tourism Secretary Ramon “Mon” Jimenez sa edad na 64.

Ipinabatid ito ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa kanyang ipinalabas na pahayag.

Ayon kay Romulo-Puyat, nagdadalamhati ang buong kagawaran sa pagyao ng dati nitong pinuno.

Aniya, habambuhay na magpapasalamat ang DOT sa malaking naiambag ni Jimenez sa paglago ng sektor ng turismo sa bansa at pag-promote sa Pilipinas bilang isa sa mga magaganda at masayang lugar na puntahan.

Kasabay nito, nagpaabot din ng taos pusong pakikiramay si Romulo-Puyat sa mga naulilang mahal sa buhay ni Jimenez.

Pinamunuan ni Jimenez ang DOT magmula Setyembre 2011 hanggang taong 2016 matapos italaga ni dating Pangulong Noynoy Aquino bilang acting secretary.

Si Jimenez ang nasa likod ng kilalang tourism slogan ng Pilipinas na “It’s More Fun In The Philippines”.