CBCP ikinatuwa ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa bansa

0
56

Labis na ikinatuwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa bansa matapos ang mahigit isang daang taon.

Ayon kay CBCP president at Davao Archbishop Romulo Valles, maituturing na “priceless religious treasures” ang tatlong (3) kampana ng St. Lawrence Parish dahil ginamit na ito ng maraming henerasyon sa pananalangin at pagsamba.

Magbibigay din aniya ito ng pagkakataon upang maunawaan ng mga Pilipino ang kasaysayan.

Kasabay nito, pinasalamatan rin ng CBCP ang gobyerno ng Pilipinas dahil sa maraming tao na pagsusulong nito upang maibalik sa bansa ang mga kampana.


Pagbabalik ng makasaysayang Balangiga Bells ikinatuwa ng militanteng grupo

Itinuturing na tagumpay ng grupong Bayan, ang pagbabalik ng makasaysayang Balangiga Bells sa Pilipinas.

Ayon kay Renato Reyes, secretary general ng grupong Bayan, ang nasabing kampana ay simbolo ng magiting na paglaban ng mga pilipino sa kolonyalismong Amerikano.

Gayunman, magiging ganap lamang aniya ang hustisya kung may pormal na pagkilala ang Estados Unidos sa mga krimen nito sa Samar.

Dagdag pa ni Reyes, dapat ring magkaroon ng danyos para sa mga komunidad na dumanas ng karahasan sa malagim na Balangiga Massacre noong 1901.

Samantala, welcome naman sa grupong Karapatan ang pagbabalik ng Balangiga Bells sa bansa.

Ngunit ayon kay Tinay Palabay, secretary general ng Karapatan, tila magmimistulang palamuti lamang ito kung hindi hihinto ang patuloy na paglabag ng Amerika sa soberenya ng Pilipinas.