Sumampa na sa apatnapu (40) ang nalason kabilang ang dalawampu’t lima (25) na namatay sa pag-inom ng lambanog na may mataas na lebel ng methanol, ngayong taon.
Ayon kay Food and Drug Administration (FDA) Director General Nela Charade Puno, pinaka-marami ang namatay sa Laguna na umabot labingapat (14); apat (4) sa Novaliches, Quezon City; apat (4) sa Capas, Tarlac at tatlo (3) sa Pandi, Bulacan.
Mayo 8 nang magsimula anya silang makatanggap ng ulat na may mga nalason sa pag-inom ng lambanog sa Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal.
Naka-kolekta na ang FDA ng samples mula sa brand ng lambanog na “bossing tomador” sa Barangay Sucol sa Calamba City, Laguna na napag-alamang aabot sa 6.5 hanggang 21.8 percent ang methanol level.
Ibinabala ng opisyal na maaaring magresulta sa pagkabulag, pagkahilo, pagsusuka o ikamatay kung masyadong maraming methanol ang maiinom sa pagkonsumo ng lambanog.
Inabisuhan naman ni Puno ang publiko na mag-doble ingat sa pagbili ng lambanog at tiyaking rehistrado at aprubado ng kanilang ahensya ang brand ng nasabing produkto.