Bali-balitang ‘made in China’ ang COVID-19 dinipensahan ni Duterte

0
15

Dinipensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang China kaugnay sa kumakalat na alegasyon na inimbento lang sa kanilang laboratoryo ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) bilang armas laban sa iba’t ibang bansa.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang sinumang bansa ang gagawa ng virus na maaaring maging dahilan ng pagkamatay ng maraming tao lalo na sa kanyang sariling bansa.

Sa katunayan aniya, nagpadala pa ng mensahe si Chinese President Xi Jinping sa kanyang tanggapan na naglalahad ng kanyang buong suporta sa Pilipinas sa kasagsagan ng krisis na nararanasan ng bansa dahil sa COVID-19.

Pinasalamatan naman ni Pangulong Duterte si President Xi Jinping sa kanyang suporta sa Pilipipnas.

Samantala, umaasa naman si Pangulong Duterte sa milagro na makagawa na ng antibodies ang ibang bansa, partikular na sa China, upang maibalik na ang lahat sa normal.

Samantala, magugunitang naging episentro ng COVID-19 ang Wuhan City, China na kumalat sa buong mundo at pumatay ng libo-libong katao.