Ayuda para sa mga middle class sa gitna ng ECQ pag-aaralan ng economic team ni Duterte

0
16

Inatasan na ni Pang. Rodrigo Duterte ang kaniyang economic team na pag-aralan ang panukalang isama sa mga makatatanggap ng ayuda ang may kayang sektor, o ang middle class.

Ito ay matapos na magpadala ng liham si Cavite Governor Jonvic Remulla kay Pang. Duterte na dapat makatanggap din ang mga may kayang pamilya ng inilaang emergency cash subsidy program, dahil apektado rin naman sila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa liham na ipinadala ni Remulla sa pangulo, sinabi nito na hindi lamang ang mahihirap na sektor ang kailangang makatanggap ng ayuda dahil maging ang mga itinuturing na middle class ay labis ding na-apektuhan ng COVID-19 crisis.

Ayon kay Cabinet Sec. at IATF Spokesman Karlo Alexi Nograles, pag-aaralan na ngayon ng economic team na pinangungunahan ni Finance Sec. Carlos Dominguez ang panukala, at ang posibleng pagkukuhanan ng pondo para rito.