Alejano ikinabahala ang magkaibang pahayag ni Pangulong Duterte at ng Malakanyang

0
55

Ikinabahala ni Magdalo Partylist Representative Gary Alejano ang magkaibang pahayag ng Malakanyang at ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa usapin ng pagpapa-ospital nito noong nakaraang linggo.

Ayon kay Alejano, nagpapahiwatig lamang itong itinatago ng Malakanyang ang katotohanan mula sa taong bayan.

Gayunman umaasa pa rin si Alejano na ilalabas din ng mga opisyal ng pamahalaan ang katotohanan sa usapin ng kalusugan ng pangulo lalo’t wala naman aniyang lihim na hindi nabubunyag.

Magugunitang nitong nakaraang Huwebes lamang ay itinanggi nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Special Assistant to the President Bong Go ang ulat na nagpa-ospital ang pangulo noong Miyerkules.

Pero kinagabihan lang din noong Huwebes ay inamin mismo ni Pangulong Duterte na nananatili siya ng isang oras sa ospital para sumailalim sa mga panibagong medical procedure.