Puno na ang kapasidad ng nasa tatlong mga ospital sa Metro Manila.
Bunsod ito ng patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa magkakahiwalay na abiso ng St. Luke’s Medical Center, at Makati Medical Center, parehong ipinabatid ng pamunuan ng dalawang ospital na naabot na nila ang kanilang full capacity at hindi na nila kayang tumanggap pa ng COVID-19 patients.
Ayon sa pamunuan ng St. Luke’s, nasa full capacity na ang ospital sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig, at sa Quezon City.
Dahil dito, umapela ang pamunuan ng mga nabanggit na ospital na dalhin na lamang sa ibang pagamutan at government treatment facilities ang mga suspected COVID-19 patients upang mabigyan sila ng karampatang atensyong medikal.
Una rito, sinabi ng Department of Health (DOH) na dapat na dalhin sa mga quarantine at treatment facilities ng pamahalaan ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients upang ma-decongest ang mga ospital.