Hepe ng Muntinlupa Police sinibak sa puwesto

0
77

Sinibak sa puwesto ang hepe ng Muntinlupa City Police na si Senior Supt. Dionisio Bartolome makaraang masangkot ang apat na pulis-Muntinlupa sa kasong pagnanakaw at pangingikil.

Kinilala ni NCRPO Director C/Supt. Guillermo Eleazar ang mga naarestong pulis na sina PO2 Farvy dela Cruz, PO1 Jon-Jon Averion, PO3 Romeo Par at SPO1 Psylo Joe Jimenez na pawang mga miyembro ng intelligence at drug enforcement unit sa naturang lungsod.

Magugunitang naaresto ng mga tauhan ng RSOU o Regional Special Operations Unit ng NCRPO ang apat na pulis kahapon sa ginawang entrapment operations sa mismong tanggapan ng Muntinlupa PNP.

Bagama’t tumangging magbigay ng komento si Bartolome hinggil sa pagkakasibak sa kanya sa puwesto, sinasabing nangikil umano ng P40,000 ang mga naturang pulis sa isang babae na nahulihan umano ng iligal na droga noong Huwebes.