ZAMBOANGA: PAABISO PUBLIKO NG PAMAHALAANG LUNGSOD NG ZAMBOANGA SA MGA IPINAGBABAWAL NA DALHIN NGAYONG UNDAS 2026

    0
    7

    Ipinagbabawal ng Executive Order KHYM – 202 – 2026 ang mga sumusunod sa panahon ng paggunita ng Todos Los Santos at Todos Los Difuntos (Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa), mula 5:00 ng umaga ng Nobyembre 1, 2026 hanggang 5:00 ng hapon ng Nobyembre 2, 2026:

    1. Pagdadala ng mga baril, matatalim na sandata, at iba pang katulad na gamit sa loob ng sementeryo;

    2. Pagdadala, pagbebenta, at pag-inom ng mga nakakalasing na inumin (alak) sa loob ng lahat ng sementeryo;

    3. Pagdadala ng mga backpack, pagsusuot ng mga sumbrero (bullcaps), vest (chaleco), at mga jacket na may hood;

    4. Pagdadala ng mga lalagyan ng inumin (flask/containers), maliban sa mga nakaboteng tubig na plastik;

    5. Pagtatayo ng mga pansamantalang tindahan at pagbebenta ng pagkain, inumin, kandila, at iba pa sa loob ng 50 metrong distansya patungo sa pasukan/ trangkahan ng sementeryo at sa mga bangketa;

    6. Pagpapatugtog ng malakas na musika mula sa radyo o portable speakers, paggamit ng mikropono, o pakikipag-usap nang napakalakas na nagdudulot ng istorbo o abala sa iba. Hindi kasama sa pagbabawal na ito ang mga seremonyang panrelihiyon na nasa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa ng pari ng parokya;

    7. Anumang uri ng pagsusugal;

    8. Paggamit ng paputok o pyrotechnics sa loob ng mga sementeryo;

    9. Pagpaparada ng mga sasakyan sa loob ng pampublikong sementeryo at sa mga bangketa; at

    10. Pananatili o pagtulog sa loob ng sementeryo nang magdamag.

    * Ang mga sementeryo ay bubuksan mula 5:00 ng umaga hanggang 11:00 ng gabi simula Oktubre 31, 2026 hanggang Nobyembre 2, 2026. (Algie Rojas)

    Source: City Government of Zamboanga.

    LEAVE A REPLY