Publiko hinihikayat na sumunod sa ipapatupad na ‘new normal’ — DOH

0
32

Dapat na sumunod ang publiko sa mga ipinatutupad na health protocols upang maiwasan ang second wave o ang ikalawang bugso nang pagkalay ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), sa bansa.

Ayon kay DOH-NCR Regional Dir. Corazon Flores ang kooperasyon ng publiko ang kailangan ng bansa sa ngayon lalo na sa ilalim ng tinatawag na bagong normal o ‘new normal’ protocols.

Sinabi ni Flores, anuman ang maging rekumendasyon ng IATF hinggil sa enhanced community quarantine (ECQ) ay dapat na mahigpit pa ring ipatupad ang new normal protocols.

Sa ilalim ng new normal ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing, pagsusuot ng protective equipment gaya ng face masks, face shields, at gloves, pagpapalakas ng immune system at palagiang paghuhugas ng kamay.

Aniya, 65% rin ng kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa ay mula sa Metro Manila kaya’t makatutulong kung susunod ang lahat sa new normal protocols.

Gayunman, sinabi rin ni Flores na 10 mula sa 17 LGU’s sa Metro Manila ang nagpapakita nang pagbagal ng pagkalat ng COVID-19.

Nangangahulugan aniya ito na nagiging epektibo ang umiiral na enhanced community quarantine sa Metro Manila.