Nasamsam ng mga otoridad ang aabot sa P800-milyong halaga ng shabu sa isang town house sa Quezon City.
Batay sa inisyal na report ng pulisya, arestado ang isang Chinese national sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Intelligence Officer 3 Lorenzo Advincula Junior, isang buwan nilang isinailalim sa surveillance ang suspek kung saan napag-alaman din na isang taon na itong nangungupahan sa nasabing town house.
Sinabi ni Advincula na isinilid sa mga lata ng biscuit at pakete ng tsaa ang nasa 180-kilo ng shabu.
Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, nabatid na malakihang halaga ang mga transaksyon ng naturang Chinese national.
Sa ngayon nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act Number 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.