Lider ng Abu Sayyaf inilipat na sa PNP custodial center — Banac

0
22

Inilipat na sa PNP custodial center sa Kampo Krame ang Abu Sayaff Group (ASG) leader na si Anduljihad “Indang” Susukan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen Bernard Banac, pasado alas diyes y medya kagabi nang dumating sa Clark International Airport ang eroplanong may lulan kay Susukan kasama ang asawa nitong si Nafrisa mula Davao City.

Agad ding dinala si Susukan sa Kampo Krame kung saan sumailalim ito sa booking procedure at medical checkup kaninang madaling araw.

Mananatili si Susukan sa PNP custodial center habang hinihintay pa ang desisyon ng korte na may hawak sa kaso nito kung saan ikukulong ang ASG leader.

Magugunitang Huwebes ng gabi nang isuko ni Moro National Liberation Front (MNLF) Founding Chairman Nur Misuari si Susukan sa Davao City PNP.

Nahaharap si Susukan sa 23 kaso ng murder, 5 kaso ng kidnapping and serious illegal detention at 6 na kaso ng frustrated murder.