35 C
Manila
Thursday, April 25, 2024

Jolo blasts inako ng ISIS; iba pang terror group suspect na rin

- Advertisement -

Inako na umano ng grupong Islamic State ang pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasawi ng nasa dalawampu (20) katao.

Ayon sa Amaq, ang official news site ng ISIS, dalawa sa kanilang “martir” na miyembro ang nagsagawa ng “suicide bombing” sa naturang simbahan.

Gayunman, naniniwala ang militar na ang teroristang grupong Abu Sayyaf ang nasa likod ng pagpapasabog batay na rin sa mga nakalap nilang impormasyon.

Magugunitang nagpahayag na ng katapatan ang Abu Sayyaf sa Islamic State na simbolo ng kanilang pag-anib sa international terrorist group sa pangunguna ni Isnilon Hapilon na kalauna’y napaslang sa digmaan sa Marawi City.

Kaugnay nito, kinumpirma ni Col. Gerry Besana, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Wesmincom), na isang grupo ng Abu Sayyaf ang lumulutang na suspek sa pagpapasabog sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Besana, suspek ang grupo ng Ajang-Ajang ng Abu Sayyaf base sa ginagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI).

Nagdudulot anya ang naturang grupo ng takot sa naturang lugar.

Anumang oras aniya ngayong araw ay tutungo rin si Pangulong Rodrigo Duterte sa lugar na pinangyarihan ng naturang pagsabog.


Samantala, sumama na rin ang Canada sa international community sa pag-kondena sa kambal na pagsabog sa isang simbahan sa Jolo Sulu.

Ayon kay Canadian Prime Minister Justin Trudeau, kamuhi-muhi ang pag-atake sa mga mamamayan na dumadalo sa misa.

Tinawag ring mga duwag ni Trudeau ang mga nasa likod ng pagpapasabog na ikinasawi ng hindi bababa sa dalawampu (20) katao at ikinasugat ng mahigit isandaang (100) iba pa.

Kasabay nito ay nagpahatid ng kanyang pakikiramay si Trudeau sa pamilya ng mga naapektuhan ng pagsabog.

Una nang nagpadala ng pakikiramay sa mga biktima ang European Union.

—-

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

Related Articles

- Advertisement -
- Advertisement -

Latest Articles

- Advertisement -