Balik face-to-face na ang pasok sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa lahat ng antas sa buong lalawigan ng Albay simula bukas, Nobyembre 3, matapos ianunsiyo ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang lifting ng suspensiyon ng klase ngayong araw.
Sa ilalim ng PDRRMC-APSEMO Advisory No. 2026-20 na inilabas alas-3 ng hapon, iniutos ni Albay Governor Noel E. Rosal ang pagbabalik ng face-to-face classes kasunod ng pagbaba ng aktibidad ng Bulkang Mayon.
Batay sa Mayon Volcano Bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ngayong araw, isang minor eruption lamang ang naitala sa bulkan bandang ala-1:15 ng madaling-araw.
Wala ring naitalang panibagong moderately explosive eruption mula noong Oktubre 30.
Nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon sa kabila ng naobserbahang pagbaba ng aktibidad nito.
Gayunman, inatasan ang mga school head na tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral at makipag-ugnayan sa kani-kanilang City at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (C/MDRRMO).
Kailangan ding tiyakin ng mga paaralan na nalinis at naihanda na ang mga silid-aralan na ginamit bilang evacuation centers bago muling gamitin ang mga ito para sa face-to-face classes.
Pinapayuhan pa rin ang publiko na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad at iwasan ang pagpasok sa loob ng 6-km Radius Permanent Danger Zone.
Source: Albay PIO
