NAGA CITY – Umabot sa P5.48 Milyon ang financial grant na natanggap ng 97 na mga kabataang nagwagi sa tatlong kategorya ng 2025 Young Farmers Challenge (YFC) ng DA Bicol. Ang nasabing premyo ay ibinigay ng kagawaran upang suportahan ang 45 agri-fishery enterprises na nagwagi mula sa 88 proposals na naipasa nitong nakaraang taon sa iba’t-ibang kategorya.
May 41 youth enterprises sa Start-up category ang tinanghal na provincial awardees at tumanggap ng plaque ng pagkilala at tig-P80,000.00 bawat isa; pitong regional level awardees naman ang tumanggap ng tig-P150,000.00 sa parehong kategorya; tatlong enterprises naman sa ilalim ng Upscale category ang tinanghal na regional winners at tumanggap ng tig-P300,000.00 bawat isa. Samantalang nanalo ang Bicol State College of Applied Sciences and Technology (BISCAST) sa YFC Intercollegiate category at tumanggap ang grupo ng P250,000.00. Ang mga natanggap na cash award ay gagamitin ng mga kabataan upang lalong mapalago ang mga nasimulan nilang agribusiness ventures.
Nabigyan naman ng P2.5M Business Development Assistance ang Partido State University sa kaparehong aktibidad.
Pinangunahan ni Agribusiness and Marketing Assistance Service (AMAS) Director Junibert De Sagun ang paggawad ng mga tseke sa mga nagwagi sa ginawang YFC provincial and regional awarding ceremony nitong ika-22 ng Enero sa Naga City. Katuwang niya sina Engr. Anne Glyn Lisbo ng AMAS; AMAD Chief at YFC focal person, Engr. Luisito Baltazar; OIC RTD for Research and Regulations Lorenzo Alvina; RAFC Chairperson Claudia Esmeralda Honrado at Patrocinio Collao I, YFC Alternate focal person.
Ayon kay De Sagun, mainam ang competition sa pagitan ng mga kabataan dahil nagkakaroon sila ng ownership bukod sa natututo sila sa pagpapatakbo ng negosyo sa tulong ng mga isinasagawang coaching at mentoring sa mga Kabataan.
Nagpadala din ng mensahe ng pagbati si Assistant Secretary for Agribusiness Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria – Guevarra sa mga Kabataang ayon sa kanya ay “pag-asa ng ating sakahan at ekonomiya – mga bagong bayani ng bukid.”
Hinikayat naman ni OIC RTD Alvina ang mga Kabataan at ang mga nasa akademya na tutukan ang pagsasaliksik, inobasyon at agribusiness investment upang lumago ang agrikultura.
Ayon sa mensahe ni Senadora Imee Marcos na binasa ni Engr. Anne Glyn Lisbo ng AMAS, ang mga Kabataang ito ang patunay na may kita, may kinabukasan at may karangalan sa agrikultura.
Kasama ng mga YFC winners na umakyat sa entablado ang mga provincial agriculturists, provincial YFC coordinators ng anim na probinsya at mga presidente ng kanilang mga kolehiyo. (Lovella P. Guarin – DA RAFIS 5)