Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na nagkaroon ng pagtaas sa kaso ng dengue at Japanese encephalitis sa rehiyon.
Batay sa pinakahuling tala, umabot sa pitumput pito (77) ang dengue cases sa buong kabikulan simula Mayo a-bente dos hanggang Hunyo a-kwatro, mas mataas ng 235% kumpara sa dalawamput tatlong (23) sa kaparehong peryodo noong nakaraang taon.
Sa naturang bilang, apatnaput siyam (49) na kaso ang naitala sa lalawigan ng Camarines Sur; labing pitong (17) kaso sa Camarines Norte; lima (5) sa Masbate; apat (4) na kaso sa Catanduanes at tig-iisang (1) kaso sa probinsya ng Albay at Sorsogon.
Samantala, nakapagtala naman ang ahensya ng pitong (7) kaso ng Japanese encephalitis sa unang apat (4) na buwan ng taong 2022.
Sa naturang bilang, sa Camarines sur, tig-iisang kaso ang naitala sa mga bayan ng Bula, San Jose, Lagonoy at Minalabac habang sa Sorsogon naman ay nakapagtala ng tig-isang kaso sa lungsod ng Sorsogon at bayan ng Gubat at isang kaso naman sa bayan ng Manito mula sa probinsya ng Albay.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH Bicol ang publiko na sundin ang 4S strategy o ang Search and destroy mosquito breeding sites, Self-protection measures, Seek early consultation at Say yes to fogging.
Pinayuhan din ng ahensya ang publiko na panatilihing malinis ang kapaligiran at alisin ang mga posibleng pamugaran ng lamok lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
(Source: DOH Bicol)