Patuloy na pinauunlad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), sa pamamagitan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase II, ang kakayahan ng mga samahang mangingisda sa Camarines Sur sa larangan ng pagnenegosyo, marketing, at pagpapaunlad ng mga kabuhayan sa pamamagitan ng serye ng mga pagsasanay na nakatuon sa Effective Selling and Negotiation Skills, Problem Solving and Decision Making, Customer Relationship Management, at Marketing Assistance and Enterprise Development (MAED) Roll-out.
Kabilang sa mga lumahok sa pagsasanay ang San Fernando Coastal Fisherfolk Association ng San Fernando, Cagbunga Fisherfolk Association ng Gainza, Samahang Mangingisda ng Pandan ng Cabusao, Buhi Indigenous People Farmers and Fisherfolk Agriculture Cooperative ng Buhi, Punto Azul Fisherfolk Organization ng Libmanan, at Bombon Fishpond Operators Association ng Bombon.
Layunin ng mga pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga benepisyaryo sa pagpapatakbo ng negosyo, pagbuo ng estratehiya sa pagbebenta, at pagpapaunlad ng kanilang mga samahan bilang paghahanda sa pagtatatag at pamamahala ng mga napapanatiling Community-Based Enterprises (CBEs).
Sa unang araw ng bawat pagsasanay, tinalakay ang mga pangunahing kaalaman sa epektibong pagbebenta at pakikipagnegosasyon para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs), paglutas ng mga suliranin at wastong pagpapasya, at pagpapanatili ng magandang ugnayan sa mga kostumer. Layunin nitong bigyan ang mga kalahok ng praktikal na kaalaman na magagamit nila sa pagpapatakbo ng kanilang mga negosyo at pagpapalawak ng ugnayan sa mga potensyal na pamilihan.
Kasabay nito, isinagawa rin ang MAED Roll-out sa mga bayan ng San Fernando, Cabusao, Gainza, at Libmanan. Ipinaliwanag sa aktibidad ang mga layunin, saklaw, at mga estratehiya sa pagpapatupad ng MAED Component, partikular sa pagpapalakas ng marketing, pagpapaunlad ng mga negosyo, at pagpapahusay ng kakayahan ng mga samahan.
Nakiisa rin si Djohana Alcaide ng Camalig Bank upang ipakilala ang mga programa at serbisyong maaaring mapakinabangan ng mga mangingisda at magsasaka. Kabilang dito ang pagbubukas ng savings account, mga serbisyong insurance, at mga pautang na maaaring makatulong sa kanilang pangangailangang pinansiyal at pagpapalago ng kabuhayan.
Patuloy na isinusulong ng BFAR-SAAD Phase II ang komprehensibong suporta sa mga samahang mangingisda sa pamamagitan ng mga programang pangkaalaman at pagpapalakas ng kakayahan, tungo sa pagbuo ng matatag, produktibo, at pangmatagalang kabuhayan sa mga pamayanang pangisdaan.
Source: BFAR Bicol SAAD
