Iriga: Albay, nakatakdang tumanggap ng ika-4 na Gawad KALASAG

    0
    0

    Nakatakdang tumanggap ang Pamahalaang Lokal ng Albay ng ikaapat na Gawad KALASAG Seal for Excellence in Disaster Risk Reduction and Management and Humanitarian Assistance, kasunod ng pag-endorso at pagkumpirma ng Bicol Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) sa resulta ng regional evaluation ngayong taon, para sa taong 2025.

    Batay sa Regional Gawad KALASAG Resolution No. 01, s. 2026, inendorso at kinumpirma ng Bicol RDRRMC ang resulta ng pagsusuri sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Council and Office (LDRRMCO) sa buong Bicol Region para sa ika-26 na Gawad KALASAG.

    Saklaw ng pagsusuri ang mga isinumiteng Means of Verification (MOVs) at kaukulang assessment tools ng mga kalahok na lokal na pamahalaan, alinsunod sa mga pamantayan nito.

    Ito na ang ikaapat na pagkilala sa Albay matapos ang magkakasunod na pagkilala rito noong 2023 para sa performance year 2022, 2024 para sa 2023, at 2025 para sa 2024.

    Kinikilala ng Gawad KALASAG (Kalamidad at Sakuna Labanan, Sariling Galing ang Kaligtasan) ang mga natatanging programa, inisyatiba, inobasyon at mga nagawa ng mga lokal na pamahalaan at iba pang sektor sa pagpapalakas ng disaster risk reduction and management (DRRM), climate change adaptation at humanitarian assistance.

    Layunin nitong palakasin ang kahandaan at kakayahan ng mga komunidad sa pagtugon sa mga sakuna at iba pang panganib, gayundin ang pangangalaga sa buhay at kapakanan ng mga mamamayan.

    Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Lokal ng Albay, sa pamamagitan ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO), ang mga programa at mekanismo upang higit pang mapatatag ang preparedness, at response ng mga komunidad laban sa mga kalamidad.

    Source: Albay PIO

    LEAVE A REPLY