Kinilala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) Regional Office V ang lalawigan ng Albay bilang Universal Health Care (UHC) Champion sa ginanap na Appreciation and Pasasalamat for Partners for Lasting Alliance, Unwavering Support and Excellence (APPLAUSE).
Personal na tinanggap ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal ang nasabing pagkilala ngayong araw, Nobyembre 4 sa Lungsod ng Legazpi.
Ang nasabing award ay salamin ng pagsisikap ng Pamahalaang Lokal ng Albay na palakasin ang local health system sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon ng mga ospital, health facilities, at mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang access ng mga Albayano sa serbisyong-medikal.
Iginawad ang pagkilala bilang pagpupugay sa mahalagang ambag at suporta ng pamahalaan sa pagsusulong at pagpapalakas ng Universal Health Care program, na naglalayong matiyak ang abot-kaya at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan para sa bawat Albayanong nangangailangan nito.
Matatandaang kinilala bilang additional UHC Integration Site ang Albay taong 2024.
Source: Albay PIO
