Iriga: 25 War Veterans, ginawaran ng U.S Congressional Gold Medal ng Philippine Veterans Affairs Office

    0
    2

    Bilang pagkilala sa kanilang kabayanihan at sakripisyo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, 25 Philippine Veterans ang ginawaran ng U.S. Congressional Gold Medal ng Veterans Memorial and Historical Division ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) nitong ika-29 ng Oktubre sa The Marison Hotel sa Legazpi City.

    Layunin nitong kilalanin at bigyang-pugay ang katapangan at mahahalagang kontribusyon ng mga veterans na lumaban upang ipagtanggol ang kalayaan at demokrasya noong World War II.

    Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Albay Governor Noel Ebriega Rosal ang kahalagahan ng pagkilala sa mga veterans na nag-alay ng kanilang lakas, at buhay para sa kalayaan ng bansa at ng susunod na mga henerasyon.

    Ayon sa gobernador, hindi lamang pagkilala sa kanilang mga nagawa ang naturang paggawad, kundi isang paalala rin sa patuloy na pagpapatibay ng matagal nang ugnayan at pagtutulungan ng Pilipinas at Estados Unidos.

    Nagbigay-pugay rin si Rosal sa 25 awardees at binigyang-diin na hindi aniya alilimutan ang kanilang katapangan at mga sakripisyo para sa bayan.

    Sa pamamagitan ng pagkilalang ito, muling binibigyang-halaga ang ambag ng mga war veterans sa kasaysayan at ang tungkulin ng kasalukuyang henerasyon na panatilihing buhay ang alaala ng kanilang kabayanihan at paglilingkod sa bayan.

    Source: Albay PIO

    LEAVE A REPLY