Iriga: 100 Katutubo ng Ilian Tribe sa Iriga City, nakatanggap ng Organiko at Natural na Pagkain sa “Alagang OA” ng Organic Agriculture Program

    0
    3

    IRIGA CITY, CAM. SUR — Mahigit 100 na benepisyaryo mula sa Ilian Tribe, kabilang ang mga batang may edad 12 pababa at mga senior citizen, ang nakatanggap ng mga masustansya at organikong pagkain sa ilalim ng “Alagang OA” Community Feeding Program ng Department of Agriculture Regional Field Office 5 (DA RFO 5) sa pamamagitan ng Organic Agriculture Program, noong Nobyembre 7 at 14, 2026 sa Ilian Tribal Settlement, Barangay San Nicolas, Iriga City.

    Bilang bahagi ng 12th Organic Agriculture Month ngayong Nobyembre at tugon sa mga hamong pangkabuhayan sa mundo, ipinatupad ang programang ‘Alagang OA’ upang mailapit sa mga komunidad ang mga benepisyo ng Organic Agriculture sa pamamagitan ng pagbibigay ng masustansyang pagkain na inihanda gamit ang organiko, lokal at katutubong produktong agrikultural. Higit sa isang feeding activity, layunin nitong ihatid ang benepisyo ng organikong agrikultura, itaguyod ang malusog na pamimili, at pag-ugnayin ang mga lokal na magsasaka at konsyumer upang patatagin ang kanilang kabuhayan.

    Ang mga pagkaing ipinamahagi ay direktang nagmula sa mga benepisyaryo ng Organic Agriculture Livelihood Program (OALP). Kabilang dito ang Organic Purple Rice mula sa Pecuaria Development Cooperative, naturally grown chicken mula sa Agri-Preneur Agriculture Cooperative (APAC) sa Libmanan, Camarines Sur, at naturally grown kalabasa mula sa The Agri Planters and Food Processors Association of Tigaon (TAPFPAT) sa Tigaon, Camarines Sur. Bukod sa pagiging benepisyaryo ng programa, ang mga grupong ito ay bukas din sa merkado para sa mga nais bumili ng kanilang mga organiko at naturally grown na bigas, manok, at gulay. Ang mga sangkap na ito ay masusing inihanda at niluto sa Regional Food Laboratory ng DA RFO 5 upang ihain sa ating mga katutubo.

    Maliban sa pamamahagi ng pagkain, magsasagawa rin ang Organic Agriculture Program ng mga sesyon ng knowledge sharing sa mga susunod na linggo. Bahagi ito ng programang “Alagang OA” na isinasagawa tuwing Sabado mula Oktubre hanggang Disyembre 19, 2026, na naglalayong maturuan ang mga taga-Ilian Tribe kung paano mag-produce ng sarili nilang organikong pagkain para sa kanilang mga lamesa.

    Source: Ulat ni: Cyril A. Baldoza, Research Division- DA Bico

    LEAVE A REPLY