Mariing pinabulaanan ni Health Secretary Francisco Duque III ang kaniyang pagkakasangkot sa anomalyang kinahaharap ng PhilHealth.
Ito ay matapos na irekumenda ng senate committee of the whole ang pagsasampa ng kaso laban kay Duque, at dating PhilHealth president at CEO Ricardo Morales dahil sa mali at ilegal na implementasyon ng interim reimbursment mechanism (IRM).
Ayon kay Duque, nais niya na malinis ang kaniyang pangalan dahil wala aniya siyang ginampanang papel sa nasabing anomalyang kinahaharap ng PhilHealth.
Sinabi pa ng kalihim nakalulungkot lamang na nadawit pa siya sa nasabing kontrobersiya dahil bilang non-voting chairman ng PhilHealth ay wala naman siyang nilagdaang anumang board resolution.
Matatandaang isiniwalat ni dating PhilHealth anti-fraud legal officer Thorsson Montes Keith na aabot sa P15-bilyon ang ibinulsang pondo ng mga opisyal ng PhilHealth sa pamamagitan ng IRM at iba pang fraudulent schemes.