DepEd Iriga puspusan na ang paghahanda para sa Bicol RSPC 2024

0
32
photo courtesy by Emman Lumapag)

Puspusan na ang ginagawang paghahanda ng DepEd Iriga bilang division host sa nalalapit na Bicol Regional Schools Press Conference (RSPC) sa Mayo 4-11, 2024.

Sa pagpupulong sa mga komite at stakeholders hapon nitong Abril 25, sinabi ni Iriga City Schools Division Superintendent Mariano De Guzman na kaliwa’t kanan na ang kanilang preparasyon dalawang linggo bago ang nasabing kompetisyon.

Katuwang ang iba’t ibang ahensya, siniguro ni De Guzman na magiging maayos ang daloy ng programa simula sa pagbubukas at pagtatapos ng kompetisyon.

Aabot sa 3,000 na delegasyon mula sa 13 na dibisyon sa iba’t ibang probinsya sa Bicol ang inaasahang lalahok sa RSPC 2024.

Kaugnay nito, patuloy na rin umanong isinasaayos ang mga kagamitan sa paaralan na magsisilbing pansamantalang tutuluyan ng mga estudyante at tagapagsanay sa nasabing kompetisyon.

Ang RSPC ay isang kompetisyon para sa mga mag-aaral na may angking talento at galing sa News Writing, Sports Writing, Editorial Writing, Copy reading and Headline Writing, Photojournalism, Science and Technology Writing, Column Writing for Individual Contest Category, at Editorial Cartooning.

Kabilang din sa nasabing kompetisyon ang group category na Radio Script Writing and Broadcasting, Collaborative Desktop Publishing, Online Publishing Contest para sa secondary level, at TV Script Writing and Broadcasting para rin sa secondary level.

Layunin nitong payabungin ng mga mag-aaral ang kanilang pag-unawa sa kahalagahan ng pamamahayag sa pamamagitan ng paggamit ng mga talento at kasanayan sa iba’t ibang larangan o kategorya sa campus journalism. (Emman Lumapag)

Leave a Reply