DBM magpapalabas ng P187-M na pondo sa mga may-ari ng alagang baboy na isinailalim ng culling

0
52

Magpapalabas ng P187-M na pondo ang Department of Budget and Management (DBM) para matugunan ang problema sa pagtaas sa bilang ng mga namamatay na alagang baboy.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, gagamitin ang bahagi ng nasabing pondo bilang pambayad sa mga may-ari ng alagang baboy na isinailalim sa culling o mga pinatay dahil sa pangambang nahawaan ng hindi pa natutukoy na animal disease.

Sinabi ni Dar, pauna pa lamang ang P187-M na pondo at posibleng humingi pa sila ng karagdagan kung kinakailangan sa hinaharap.

Samantala, nilinaw ni Bureau of Animal Industry Director Ronnie Domingo na una na nilang hiniling ang P187-M budget bago pa man nangyari ang pagtaas sa pagkamatay  ng mga alagang baboy.

Ani Domingo, gagamitin sana ang nabanggit na pondo sa pagbili ng mga diagnostic kits at iba pang kagamitan kasunod na rin ng mga ulat ng pagdami ng mga exotic diseases sa mga alagang hayop mula sa ibang bansa.