Cayetano tatalima sa term-sharing agreement nila ni Velasco —Villafuerte

0
70

Tutupad naman si House Speaker Alan Peter Cayetano sa term-sharing agreement nila ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco bilang pinuno ng kamara.

Ito ang naging pahayag ni Deputy Speaker L-Ray Villafuerte kaugnay ng naging pagpupulong nila kasama si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa isyu sa speakership sa kamara.

Sinabi ni Villafuerte, nanindigan naman si Cayetano na mayroon itong isang salita at tatalima sa kung ano man ang napagkasunduan nila ni Velasco hinggil sa term sharing.

Gayunman, ani Villafuerte, hindi naman na hawak pa ni Cayetano kung naisin o hilingin ng mga mambabatas na manatili pa siya bilang House Speaker.

Dagdag pa ni Villafuerte, bagamat iginagalang nila ang term sharing agreement, dapat pa rin aniyang pakinggan ang boses ng kongreso sakaling naisin ng mga mambabatas na manatili si Cayetano bilang speaker ng kamara.

Gayunman, nakatakda na namang maupo si Velasco bilang speaker ng kamara sa darating na Oktubre 14 bilang bahagi pa rin ng term sharing agreement.

Sa ilalim kasi ng term sharing agreement nina Cayetano at Velasco, si Cayetano muna ang uupong House Speaker sa loob ng unang 15 buwan ng 18th congress habang papalitan naman ito ni Velasco sa nalalabi pang panahon ng ika-18 kongreso.