Baguio City – Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang dalawang batas na nagtatatag ng sports high school at school for the arts sa Baguio City. Ganap ng batas ang Republic Act (RA) 12119 o Establishing the Baguio City Sports High School at RA 12118 o Establishing the Baguio City High School for the Arts.
Ayon kay Baguio Congressman Mark Go, ang may akda ng dalawang bill sa kamara, layunin ng dalawang batas na hasain pa ang galing at kaalaman ng mga kabataan sa larangan ng arts at ng sports.  Sa ilalim ng RA 12119, itatatag sa Baguio City ang Baguio City Sports High School, isang specialized public high school na mag-aalok ng sports-focused education. Pangangasiwaan ito ng Department of Education sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Sports Commission at sa National Academy of Sports.
Samantala, sa ilalim naman ng RA 12118, itatatag sa lungsod ang Baguio City High School for the Arts, isang specialized public high school na mag-aalok ng arts-focused education.  Pangangasiwaan din ito ng Department of Education sa pakikipag-ugnayan sa National Commission for Culture and the Arts, at sa Cultural Center of the Philippines. (RPN-Baguio/Jimmy Bernabe/Joel Cervantes/source: PIA CAR).
