2 arestado matapos mahulihan ng shabu at marijuana sa Mt. Province

0
46

Dalawa ang arestado matapos mahulihan ng nasa tatlong milyong pisong halaga ng shabu at marijuana sa Mountain Province.

Kinilala ng Police Regional Office-Cordillera ang mga suspek na sina Arvin Pino Vigilia at Jun Rudly Reyes Pascual.

Ba-biyahe sanang Baguio City ang dalawa nang harangin ng mga tauhan ng Bontoc Municipal Police Station sa Halsema Highway kung saan napansin ang dalawang sako na karga ng kanilang sasakyan.

Kabilang sa mga nasabat mula sa mga suspek ang 21 bloke ng Marijuana na tumitimbang ng 26 kilogram, limang pakete ng shabu, ilang drug paraphernalia at kalibre kuwarenta’y singkong baril.

Nahaharap naman sina Vigilia at Pascual sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

(with report from Jaymark Dagala)