Probensiya Ng Cotabato Pinayuhan Ni Mayor Sara Na Kasuhan Ang Pumuslit Na Estudyanteng Positibo Sa COVID-19

Probensiya Ng Cotabato Pinayuhan Ni Mayor Sara Na Kasuhan Ang Pumuslit Na Estudyanteng Positibo Sa COVID-19

by RPN
63 views

Pinayuhan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang lokal na pamahalaan ng Cotabato Province na kasuhan ang 19 anyos na estudyanteng lalaki na positibo sa Coronavirus Disease 2019 (Covid-19) na pumuslit para pumasok sa naturang probinsya.

Sa panayam kay Duterte, sinabi nito na kung may nalabag man ang naturang estudyante sa quarantine protocols ng probinsya o bayan na kanyang pinasukan, ay dapat itong sampahan ng kaso.

Nabigla din ang alkalde sa naturang impormasyon nang itanong ito sa kanya ng Radyo Pilipinas-Davao.

Una ng ipinahayag ni Cotabato Provincial Health Officer Philbert Malaluan, na pumuslit ang naturang estudyante sakay ng isang ambulansya dala ang isang pasyente papunta sa bayan ng M’lang noong Mayo 6.

Ayon kay Malaluan, ang pangalan ng naturang estudyante ay di umano’y wala sa trip manifest ng ambulansya.

Hindi rin di umano ito nakalista o nakipag-ugnayan man lang sa Task Force Sagip Stranded North Cotabateños at wala rin itong dalang health o quarantine certificate mula sa Davao City.

Nagkaroon di umano ito ng pamamaga ng lalamunan noong Mayo 9 at binigyan ito ng antibiotics ng Mlang Municipal Health Office.

Sinuri ang naturang estudyante sa pamamagitan ng swab test dahil sa patuloy na pamamaga ng kanyang lalamunan noong Mayo 14 at noong Linggo, nagpositibo ito sa Covid-19.

Ang naturang 19 anyos na lalaki ay pangalawang estudyante na positibo sa Covid 19 mula sa Davao City na umuwi sa kanilang lugar.

Duda naman ang alkalde na lumabag sa Enhanced Community Quarantine ang mga nagpositibo habang nasa lungsod ito dahil dapat nasa loob lang ito ng kanilang tinutuluyan habang nandito sa lungsod.

 

0 comment

Related Posts