PCG patuloy na minomonitor ang mga cruise ships sa Manila Bay

0
28

Patuloy na minomonitor ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang mga cruise ships sa bahagi ng Manila Bay na may lulang mga nagbabalik bansang Filipino seafarers.

Kaugnay nito, nagsagawa ng aerial surveillance ang PCG sa palibot ng Manila Bay at ilang beses na inikutan ang nasa pitong cruise ships na naroroon.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armand Balilo, anim sa mga cruise ships ang naghihintay pa ng clearance mula Bureau of Quarantine (BOQ) hinggil sa pagbaba ng barko ng mga sakay nitong mga tripulanteng Pinoy.

Habang isang cruise ship naman ang nagkapagbaba na ng kanilang sakay na mahigit 400 na mga Filipino seafarers nitong nakaraang weekend.

Batay sa umiiral na protocol, kinakailangang masuri muna ng BOQ ang kondisyong pangkalusugan ng mga sakay na tripulante ng mga nabanggit na cruise ships para matiyak na walang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa mga ito bago payagang makababa.

Oras na payagan nang makababa ang mga Filipino seafarers, kinakailangan pa rin nilang sumailalim sa 14-day quarantine sa mga itinalagang pasilidad ng pamahalaan.