Paring nagsiwalat sa Davao Death Squad muling nagsalita laban kay Pangulong Duterte

0
48

Panahon na upang magsalita ang simbahang katolika laban sa mga banta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Father Amado Picardal, ang paring katolikong nagsiwalat sa mga umano’y  extrajudicial killing sa Davao City noong alkalde pa ng lungsod si Duterte.

Ayon kay Picardal, layunin ng mga banta ng karahasan ni Pangulong Duterte sa mga alagad ng simbahan ay magtanim ng takot upang manahimik ang mga ito at iwasang bumatikos sa kanyang malupit na pamumuno.

Hindi na anya katanggap-tanggap at sobra na ang mga pagbabanta ng punong ehekutibo lalo ang pahayag nitong patayin na lamang mga obispo na hindi pa mabatid kung seryoso o nagbibiro.

Gaya na lamang ng banta ni Pangulong Duterte na pupugutan ng ulo si Caloocan City Bishop  Pablo Virgilio David matapos akusahang nagnanakaw ng koleksyon ng simbahan at pinaghihinalaan niyang drug addict.

Ipinunto ni Picardal na dahil sa mga banta ng pangulo ay tila pinaigting na nito ang word war sa simbahang katolika na kanyang itinuturing na kaaway.