Pinakakasuhan ng Department of Justice (DOJ) si Japanese gaming tycoon Kazuo Okada dahil sa umano’y paglustay sa $3 million na pondong pag-aari ng Okada Manila Hotel.
Batay sa resolusyon ni Assistant State Prosecutor Alejdanro Daguiso, may nakitang probable cause para kasuhan ng tatlong (3) bilang ng estafa si Okada.
Kasunod na rin ito nang pagbaligtad ng DOJ sa ruling ng paranaque prosecutor’s office na nagbabasura sa mga kasong estafa laban sa Japanese gaming tycoon.
Ang kaso laban kay Okada ay nag-ugat sa reklamong inihain sa DOJ ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Incorporated na may-ari ng Okada Manila Hotel Resort.
Si Okada ay inakusahan ng Tiger Resort ng illegal disbursement ng pondo ng kumpanya na umaabot sa mahigit $3 million para sa consultancy fees at suweldo nito nuong siya pa ang CEO ng Okada na ang kasabwat na si Takahiro Usui, dating pangulo ng Tiger Resort ay inirekomendang kasuhan ng conspiracy.