MALILIPOT, ALBAY – Kasabay ng roll out ng Benteng Bigas Meron Na o P20 bigas sa probinsya ng Albay ay ang hudyat din ng pagsisimula ng digitalisasyon ng listahan ng mga benepisyaryo ng programa sa nasabing probinsya nitong ika-29 ng Abril, 2026.
Ang P20 Benteng Bigas Masterlist Registry System (PBBBMRS) ay isang web based application na naglalaman ng listahan ng mga P20 beneficiaries sa buong bansa. Ito ay binuo ng DA – Information and Communication Technology Service (ICTS) na nakabase sa Quezon City.
Personal na dinaluhan nila Juliet Manguerra, Chief, ICTS Data Base Management Division; Imelda Braganza, DMD Asst. Division Chief at Engr. Teddy Casucog, Asst. Chief, Network Operations and Management Division ang nasabing roll out.
Isa sa features ng BBMRS ay ang P20 beneficiary finder na magagamit sa verification ng eligibility ng mga P20 beneficiaries base sa masterlist. Maaring ma access ang registry sa https://p20.da.gov.ph.
Ayon naman sa National Food Authority (NFA) Bicol, mahigit 1,000 benepisyaryo ang nakabili ng hanggang 10 kilong NFA na bigas sa halagang P20.00 /kilo sa nasabing roll out. Kabilang sa mga nakabili ay mga senior citizens, solo parents, PWDs, miyembro ng 4Ps at mga magsasaka na hanggang sa kasalukuyan ay nasa evacuation centers pa din dulot ng pag-aalburoto ng bulkan Mayon.
Naroon din ang Vice President for Operations ng Food Terminal Inc. na si Atty. Mark Christopher Babor. Ang FTI ang nangunguna sa roll out ng Benteng Bigas sa bansa. Hinimok niya ang mga provincial at municipal Local Government Units, pati na ang mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) na may Kadiwa Stores na magpa-accredit sa FTI upang makapag benta din ng P20 bigas.
Ang roll out ay ginanap sa Malilipot Elementary School at dinaluhan ni Albay Governor Noel E. Rosal; 1st district Board Member Atty. Sheina Marie Dela Cruz; Malilipot Mayor Cenon B. Volante; Albay OIC Provincial Agriculturist Daryl Buenconsejo; at Malilipot Municipal Agriculturist Romela Montesinay.
Naroon din si Gemma Cruz ng Agribusiness and Marketing Assistance Service; NFA Albay Acting Branch Manager Al Martin Menes; at Patrocinio Collao na kumatawan kay Engr. Luisito Baltazar ng AMAD. Pinangunahan naman ng DA Bicol-Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang Kadiwa ng Pangulo kung saan tampok ang 12 exhibitors mula sa Albay.
(Source: Lovella P. Guarin – RAFIS 5)
