Iriga: Higit 1,700 na magsasaka at mangingisda, tumanggap ng tulong mula sa PAFFP

    0
    2

    Noong Mayo 15, 2026, mahigit 1,700 na magsasaka at mangingisda mula sa mga bayan ng Del Gallego at Ragay, Camarines Sur ang nakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP). Ginanap ang aktibidad sa Ragay National Agricultural and Fisheries School (RNAFS), Liboro, Ragay.

    Ang PAFFP ay isang programa ng pamahalaan na nagbibigay ng unconditional cash assistance na ₱2,325 sa bawat rehistradong magsasaka at mangingisda. Sa kabuuang pondo na ₱10 bilyon, layunin ng programang ito na tulungan ang sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng gastos sa produksyon at ng mga pangunahing bilihin. Tinataya na mahigit ₱3 milyon ang ipinamahagi sa dalawang bayan.

    Kabilang sa mga nakinabang si Cristy Rosales, 42 taong gulang, mula sa Barangay Amomokpok, Ragay. Para sa kanya, malaking tulong ang natanggap na ayuda — lalo na sa pagbili ng pang-spray para sa kanyang palayan.

    Ibinahagi ni Cristy na malaking hamon para sa kanilang hanapbuhay ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at produkto. “Apektado po talaga kami ng pagtaas ng bilihin dahil ang ginagamit namin sa tubigan ay krudo. Kailangan din po ng motor at oil sa tractor. Medyo nakabawas na rin po dahil may tulong,” aniya.

    Idinagdag pa niya na minsan ay napipilitang siyang mangutang para sa kanilang palayan, at malaking tulong din ang kanilang pagtatanim ng gulay bilang dagdag na pinagkukunan ng gastos.

    “Nagpapasalamat po ako sa DA dahil nga po tulad po ng ganito na member ng RSBSA, nakakatulong po siya sa mga binhi at abuno. Nagpapasalamat din po ako sa bigas pong aming natanggap galing po sa Provincial Government,” ayon kay Cristy.

    Source: Province of Camarines Sur

    Leave a Reply