(Baguio City) Nagbabala ang Baguio Flower Festival Foundation, Inc. (BFFFI) sa mga kandidatong national at local candidates na mahigpit na sumunod sa mga itinalagang panuntunan sa pagkampanya sa paparating na Panagbenga o mapagbawalan sa pagdalo sa mga malakihang kaganapan tulad ng grand street dancing at grand floral parades. Ito ang babala ni Anthony de Leon, ang Co-Chair ng the Panagbenga Executive Committee at General Manager ng Baguio Country Club (BCC). Anya mapipilitan ang organizers na pagbawalan ang mga kandidato sa labas ng ruta ng parade kung sila ay sisira sa linya at makipagkamayan sa mga manonood o mamahagi ng kanilang campaign materials sa kasagsagan ng mga parada. Ayon sa italagang panuntunan, ang mga kandidato na magpasyang sumakay sa kanilang karosa sa kasagsagan ng grand floral parade ay hindi maaring humiwalay sa linya upang maiwasan ang pagkaantala sa isasagawang parada. Sa kabilang dako, ang mga tagasuporta ng mga kandidato ay pinagbabawalan na mamahagi ng campaign materials sa pagsasagawa ng grand street dancing at grand floral parades upang maiwasan ang pagkagambala ng mga manonood sa mga street dancers at pahalagahan ang magagandang dekorasyon na mga karosa o floats. (RPN-Baguio/Jimmy Bernabe/Joel Cervantes/source: PIA Cordillera)
– 30 –