Amerika kayang patalsikin sa puwesto si Pangulong Duterte — Joma Sison

0
38

Posible umanong impluwensyahan ng Amerika ang AFP o Armed Forces of the Philippines para magkasa ng isang kudeta laban sa maituturing na traydor at duwag na si Pangulong Rodrigo Duterte.

Iyan ang inihayag ni CPP-NPA at NDF Founding Chairman Jose Ma. Sison kasunod ng naging hamon ng pangulo sa Amerika na maunang maglunsad ng giyera kontra China sa harap ng isyu ng territorial dispute sa West Philippine Sea.

Ayon kay Sison, malakas ang impluwensya ng Amerika sa mga sundalo’t pulis ng Pilipinas para tuluyang dakpin ang pangulo at ipalit si Vice President Leni Robredo bilang kaniyang constitutional successor.

Sinabi pa ni Sison na hindi na kailangan pang mauna ng Amerika sa pagdideklara ng giyera at hindi naman nila iyon gagawin dahil kailangan ng U.S si Duterte para pulbusin at durugin ang hanay ng mga komunista.

Ito aniya ang magbibigay daan para sa Administrasyong Duterte na ilunsad ang charter change tungo sa pederalismo na siyang magbubukas naman ng daan para sa mga dayuhan na angkinin ang mga yaman ng bansa.