Reklamo laban sa mag-asawa sa viral video tuloy—MMDA

0
57

Tuloy ang isinampang reklamo ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA laban sa mag-asawang nakuhanan ng viral video na nakipag-argumento sa mga traffic enforcer matapos mahuli dahil sa illegal parking.

Sa panayam ng DWIZ sinabi ni Bong Nebrija, Commander ng MMDA Task Force for Special Operations na tuluyan nang  inihain ang reklamo laban sa mag-asawa sa kabila ng public apology ng mga ito.

“Ang mga violation na pupuwede niyang kaharapin is una illegal parking, coding pa siya, pangatlo is yung arrogant driver kasi sinisigawan, minumura at kung anong sinasabi sa traffic enforcers, and last ‘yung binunggo niya ‘yung motorsiklo ng enforcer, pagsira ng government property criminal offense na ‘yun, hindi na traffic violation, direct assault na po ‘ yun at nakipaghabulan pa siya.”

“Tuloy pa rin po ang kaso, seryoso po si Chairman Danny Lim na kapag naagrabiyado ang ating enforcers ay siya ang haharap, nag-form na po tayo ng legal team sa kasong ito.” Ani Nebrija

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang MMDA kay Justice Secretary Menardo Guevarra para sa agarang aksyon matapos na mapag-alamang kapwa mga prosecutor ang mag-asawa.

“Nag-send na tayo ng reklamo sa DOJ na ipa-disbar sila, they will be to decide on that.” Pahayag ni Nebrija.

Binigyang diin ni Nebrija na ginagawa lang ng mga traffic enforcer ang kanilang trabaho.

“Sa enforcer kapag alam niyang mali ‘yan kukuha siya ng ebidensya para in case balikan siya ng kaso mayroon siyang pinanghahawakan, hindi po ‘yan mag-iisyu ng basta-basta kasi puwede siyang ma-charge ng misconduct eh, masabi ko lang walang kinikita ang enforcer sa apprehension baka akala nila huli nang huli dahil may komisyon, wala po. Kapag hinuli kayo alam niya ang ipinatutupad niya, hindi niya isa-sacrifice ang kanyang trabaho para sa maling apprehension.” Dagdag ni Nebrija

Paalala ni Nebrija sa mga motorista na manatiling kalmado, iwasan ang pakikipagtalo at sundin nang maayos ang batas na ipinatutupad sa lansangan upang maiwasan na maulit pa ang mga kaparehong insidente.

“Hindi po tamang makipagtalo sa kalsada, you respect the enforcer let him do his job, pero huwag lang unlawful, videohan niyo po kung alam niyong mali at isumbong niyo sa aming opisina.”

Matatandaang nag-public apology na ang mag-asawa kahapon at nagpasalamat sa pamunuan ng MMDA sa pagbibigay sa kanila ng pagkakataong humingi ng paumanhin.

Nangako rin sila na haharapin ang anumang kasong isinampa laban sa kanila.—By Aiza Rendon 

(Balitang Todong Lakas Interview)