Posibleng sanction ng US sa Pinas kapag bumili ng armas sa Russia ibinabala

0
66

Nagbabala ang isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa parusang maaaring ipataw sa Pilipinas kapag natuloy ang plano ng pamahalaan na pagbili ng mga armas sa isang Russian military hardware supplier.

Ayon sa naturang opisyal na tumanggi umanong magpakilala, sa oras na matuloy ito ay lalabag ang bansa sa inilabas na babala ng Estados Unidos noong nakaraang taon.

Batay kasi sa ipinalabas na pahayag ng Washington, pinaiiwas nito ang mga kaalyadong bansa na makipagkasunduan sa Russia lalo’t may kaugnayan ito sa mga armas at intelligence gathering.

Ito’y matapos sakupin ng Russia ang Crimea mula sa Ukraine noong 2014, gayundin ang patuloy na suporta ng naturang bansa sa Syria at ang umano’y pakikialam nila sa 2016 US election.

Sinabi ng opisyal na dito masusubok ang katatagan ng relasyon ng US at Pilipinas kapag tinuloy ng pamahalaan ang planong pagbili ng armas sa Russia.

—-