Pagtataas ng full alert status ipinauubaya na ng PNP sa mga regional office sa buong bansa

by Powered by DWIZ
0 comment
Pagtataas ng full alert status ipinauubaya na ng PNP sa mga regional office sa buong bansa

Ipinauubaya na ng Pambansang Pulisya sa kanilang mga regional offices sa buong bansa ang pagtataas ng full alert status sa kanilang nasasakupan.

Ito ang pahayag ng Philippine National Police (PNP) kasabay ng pagsisimula ng Semana Santa kahapon hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay, Abril 21.

Ayon kay PNP Spokesman Police Col. Bernard Banac, mananatili sa heightened alert ang kanilang hanay para tiyaking ligtas at payapa ang paggunita ng mga Pilipino sa banal na linggong ito.

Maliban na lamang sa mga lugar na mataas ang antas ng karahasan partikular na iyong mga lugar na may banta mula sa mga armadong grupo tulad ng CPP-NPA, Abu Sayyaf, BIFF at iba pang lawless elements na posibleng magsamantala sa sitwasyon.

Sa kabila nito, sinabi ni Banac na wala silang natatanggap na anumang banta mula sa mga bandido, rebelde at terrorista subalit patuloy aniya ang kanilang pagbabantay upang hindi mabahiran ang kapayapaan at kaayusan sa panahong ito.

Una nang itinaas ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang full alert status sa kalakhang Maynila bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa ng mga uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan para samantalahin ang pagbabakasyon.

Kapag nasa ilalim ng full alert status, nangangahulugan ito na kanselado ang lahat ng mga leave at day off ng mga pulis at kinakailangan nilang mag-report sa kanilang mother unit bilang dagdag puwersa sa kanilang pagbabantay.

(Ulat ni Jaymark Dagala)

 

 

 

 

Related Posts