Mga bus terminal sa EDSA target ipasara sa Hunyo

by Powered by DWIZ
0 comment
Mga bus terminal sa EDSA target ipasara sa Hunyo

Bilang na ang araw ng mga bus terminal sa EDSA sa nakatakdang kanselasyon ng kanilang mga business permit.

Sa inaprubahang Metro Manila Council o MMC resolution, target ipasara ang lahat ng terminal ng bus at iba pang public utility vehilce sa Hunyo.

Ito, ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na alisin ang lahat ng bus terminal sa mga major thoroughfare at i-relocate sa labas ng Metro Manila upang mabawasan ang traffic congestion.

Nakasaad din sa resolusyon na ang paglabas-masok ng mga public utility bus at iba pang PUV sa kani-kanilang terminal sa EDSA ang isa sa malaking dahilan ng traffic congestion na dinaranas ng mga motorist at mananakay kada araw.

Bagaman hindi pa nilalagdaan ang regulasyon, irerekomenda anya nila ang bus terminal closure sa susunod na buwan katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Magsisilbi namang integrated terminal ng mga provincial bus mula norte ang Valenzuela Gateway Complex habang sa Sta. Rosa, Laguna hihinto ang mga magmumula sa Southern Luzon.

Related Posts