Marbel Bishop Casicas, Walang Dahilan Para Magmina Sa Tampacan Kundi Sirain Ang Kalikasan

Marbel Bishop Casicas, Walang Dahilan Para Magmina Sa Tampacan Kundi Sirain Ang Kalikasan

by RPN
0 comment 45 views

Pagsira sa kalikasan ang tanging dahilan na nakikita ni Diocese of Marbel Bishop Cerilo “Allan” Casicas sa pagbabalik ng usapin sa pagmimina sa Tampacan South Cotabato.

Sa isang press conference na ipinatawag ng Obispo sa himpilan ng DXCP-CMN sa GenSan noong Biyernes ng hapon, Oktubre 4, ipinaliwanag ng Obispo ang kanyang panig at pagpapahayag ng pagkontra sa nasabing Gawain.

Ayon kay Casicas, pansamantala lamang ang magandang benipisyo ng pagmimina sa tao. Hindi umano kaagad mararamdaman kaagad ang panganib na kapalit na epekto nito.

Ipinakita ni Casicas sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga dokumentong mula sa Sagittarius Mines Incorporated o SMI na developer ng mining sa Tampacan. “Tama at totoo naman ang lahat ng sinabi nila. Pero hindi nila sinabi lahat.”, ang pahayag ni Bishop Casicas.

Ayon sa SMI, open-pit mining ang gagawin nila sa munisipyo ng Tampacan, South Cotabato kung saan ay mayroong depositing copper at ginto. Magtatayo rin ang SMI ng isang dam na mayroong water treatment facility nang hindi mahalo ang mga kemikal mula sa mining site sa water streams. 5% ng kita lamang ang kukunin ng SMI habang sa pamahalaan at sa tao na ang natira.

Nagpresenta ng mapa ng Southern Mindanao si Casicas kung saan makikita ang mga munisipyo at probinsya at mga faultlines. “Ang gold at copper ay naminina sa pamamagitan ng paghuhukay sa lupa. Kung open-pit mining ang kanilang gagawin, maghuhukay sila ng korteng letter J para makuha ang mga mineral. Ang copper ay nakadikit sa sulfide. And sulfide ay deoxygenated sulfur na maaaring humantong sa acid rain kung mahalo sa hangin at sulfuric acid sa tubig. Hindi rin nakonsidera ang laki ng dam na itatayo. Kaunting ulan lang ditto sa atin, malakas at mataas na kaagad ang tubig. Kung kulang ang laki ng dam, aapaw ito at ilalabas sa mga ilog na may kasama nang mga kemikal. Apektado nito ang North Cotabato, South Cotabato, Davao Del Sur, Davao Occidental, Sarangani, at GenSan”, paliwanag ng Obispo.

Aminado naman ang Obispo na maaaring ma-red tag siya at ang mga opisyal ng simbahan na sasalungat sa pagmimina kagaya ng mga nagdaang panahon. Maliban dyan ay ang pagbawi ng ordinansa ng South Cotabato sa pagbabawal sa pagmimina. Nabubuhay diumano ang usapin matapos ang pagkaalis kay dating Environment Secretary Gina Lopez at pagsuporta ng political families sa Tampacan.

Nananawagan si Bishop Casicas sa mga mamamayan na makiisa sa pagprotekta ng kalikasan at pagkontra sa anumang mga gawaing makakasira ditto kasabay ng paglilinaw na mayroong otonomiya ang mga Parokyang sakop ng Diocese of Marbel na magsagawa ng mga aktibidad kaugnay sa usapin.

0 comment

Related Posts