Iriga: Distribution ng Educational Assistant ng DSWD dinumog sa Naga City Hall

0
1

Daan-daang estudyante, magulang, mga senior citizen at PWD ang pumila sa Naga City Hall para makakuha ng ipinangakong educational cash assistance ng DSWD ngayong Sabado.

Visit RPN DZKI Iriga

Bukod sa mga taga-Naga, dito kailangang mag-claim ng mga benepisyaryo galing sa Iriga City at 35 bayan ng Camarines Sur. Kaya, marami ang nagpa-umaga na sa city hall compound para maunang makakuha ng forms.

Sampung libo ang inaasahan makubra ng 39-anyos na si Analyn Padua para sa tatlong anak. Idadagdag muna umano niya ito sa tuition ng anak na Criminology student sa private school.

“Yung sobra ibibili ko ng damit at school supplies. Grabe na po talaga. Ang 1k mo hindi na nag-iisang araw. Pahirap ng pahirap,” saad niya sa wikang Bikol.

Ang 21-anyos na si Gemart Barrosa, ala-una ng umaga bumiyahe mula Canaman para pumila. Tanghali na niya natanggap ang P4,000 na ayuda, na ipambibili umano niya ng uniporme.

Mag-isa namang nilalakad ng senior citizen na si Shirley Morata ang papeles ng mga apo.

“Nagtiyaga po ako kasi yung anak ko, dalawang anak niya nasa akin, nasa Oman pero na-stroke po siya doon kaya wala siyang trabaho… kaya nagta-tiyaga po akong makakuha dahil malaking tulong ito sa mga apo ko,” saad ng 65-anyos na lola.

Bago magtanghali, nagkagitgitan sa pila matapos i-anunsiyo ng mga taga-DSWD regional office na 2,000 applicants lang ang kaya nilang  i-accommodate ngayong araw.

“Ngayon lang sir pig-announce ni mam, mapalista na naman po,” saad ng dismayadong tatay.

Nalabag ang minimum health protocols lalo ang physical distancing. Sumaklolo ang mga tauhan ng Naga City Public Safety Office para maayos ang pila ng mga nais magpapalista para sa payout sa susunod na limang Sabado.

Umabot hanggang J. Miranda Avenue ang pila rito na naantala dahil sa pagbuhos ng ulan.

Ayon kay City Social Welfare Officer Annabel Vargas, napili lang ang Naga, at DSWD-Bicol pa rin ang namamahala ng pamamahagi ng ayuda.

“Dapat kutana, kung CamSur wide, kung 5 Saturdays pig-sched na lang sana su mga munisipyo. Let’s say for example 1st saturday ngaya Naga, Pili, kasi kung gabos ang tao dyan, talagang sasakiton sindang matapos yan. Baka matapos yan mga aga na,” ani Vargas.

Ganito rin ang mga eksena sa payout ng DSWD sa Virac Sports Center sa Catanduanes at isang mall sa Daet Camarines Norte, kung saan may ilang nahimatay na dahil sa haba ng pila.

(Source: Bicol PH, photo courtesy of Juan Naga)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here